Alden Richards, Nagsimula Sa Baba Bago Natamasa Ang Tagumpay Sa Showbiz

Si Alden Richards o Richard Reyes Faulkerson Jr. sa totoong buhay ay isa pinakasikat na aktor sa industriya ng showbiz ngayon. Bukod sa pagiging aktor, siya rin ay isang recording artist, brand ambassador, entrepreneur, endorser at TV host.

Credit: Instagram / aldenrichards02

Pangalan pa lamang ay alam na ng lahat kung sino siya. Lubos siyang hinahangaan ng mga tao at manunuod dahil sa angking galing sa pag-arte at hindi maitatangging kagwapuhan. Ang kaniyang mestisong kagwapuhan at nakakakilig na ngiti na sinamahan pa ng kaniyang malalim na dimple ang siyang bumihag sa maraming netizens lalo na sa mga kababaihan.

Credit: Instagram / aldenrichards02

Masasabi nga na malayo na ang narating ng ‘Pambansang Bae’ sa kaniyang showbiz career. Marami na rin siyang naipundar at malaki na rin ang nabago sa estado ng kaniyang buhay at kaniyang pamilya. Ngunit paano nga ba nagsimula ang isang Alden Richards sa mundo ng showbiz bago nakamit ang tinatamasang tagumpay ngayon?

Credits: Google Images / Alden Richards

Hindi naging madali para sa batang Alden ang makapasok sa showbiz. Inamin nitong marami siyang sinubukan at pinilahang mga auditions bago siya madiskubre. Nagsimula siya bilang modelo at nakilahok sa mga male beauty pageants. Ngunit hindi ito naging madali dahil lang siya ay gwapo, kinailangan nya ring magsumikap at magpursige upang may makapansin sa kanya.

Nakipagsapalaran rin siya sa talent reality show ng GMA Network na Starstruck noong 2009 sa ikalimang season nito. Sinubukan ring mag-audition ni Alden sa Pinoy Big Brother noong 2010 ngunit hindi siya nagtagumpay. Unang napanood si Alden sa teleseryeng ‘Alakdana’ sa GMA Network matapos makapasa sa audition, kung saan nakuha niya ang role bilang ‘Joma’ kasama ang aktres na si Louise delos Reyes, at dito na nga nagsimulang mamayagpag ang kaniyang showbiz career.

Credit: Instagram / aldenrichards02

Dahil sa ipinamalas na husay sa pag-arte, ay nagsunod-sunod na ang napakaraming proyekto sa kanya. Isa na rin dito ang tambalan nila ng kapuso primetime queen na si Marian Rivera sa teleseryeng ‘Carmela’ kung saan marami rin ang humanga sa tambalan at chemistry na ipinakita ng dalawa.

At sino naman ang hindi makakalimot noong binansagan na nga siyang Pambansang Bae sa noontime show na Eat Bulaga noong nakatambalan niya ang noong social media sensation pa lamang na si Maine Mendoza na ngayon ay isa na ring matagumpay na aktres, TV host at endorser. Ang tambalang Alden Richards at Yaya Dub na binansagang ‘AlDub’ ang isa sa pinakasikat na screen loveteam na nabuo sa mundo ng showbiz, na nagsimula sa segment na Eat Bulaga na ‘Kalyeserye’.

Credit: Instagram / aldenrichards02

Hindi na kataka-taka ang mga nakamit na karangalan ni Alden dahil sa husay at talento sa larangan ng pag-arte. At isa nga sa kaniyang maipagmamalaki ay ang mabansagang ‘Asia’s Multimedia Star’ matapos maparangalan noong 2019 sa Seoul International Drama Award, Asian Star Prize award na katumbas ng acting award na naganap sa South Korea.

Pinahanga rin ni Alden ang marami sa naging tambalan nila ng aktres at Box Office Queen na Kathryn Bernardo sa pelikulang ‘Hello Love, Goodbye’. Isa ito sa pinaka-matagumpay na pelikula sa industriya ng showbiz at may pinakamalaking kinitang pelikula na may world wide gross na P880,603,490 milyon ayon sa Star Cinema.

Credit: Google Images / Alden Richards

Hindi na nga halos makapaniwala ang aktor sa tinatamasang tagumpay at ang lahat ng ito ay inaalay niya sa kaniyang mahal at namayapang ina na si Rosana Faulkerson na pumanaw noong 2008 sa sakit na pneumonia.

Credit: GMA / The World Between Us

Sa ngayon ay mapapanuod na si Alden sa nalalapit niyang bagong teleserye na ‘The World Between Us’ sa July 5, 2021 sa GMA network, siya ay gaganap bilang si Louie katambal ang aktres na si Jasmine Curtis Smith at ilan pang artista tulad nila Tom Rodriguez at Dina Bonnevie.

Leave a Reply