Kakaiba at Nakakamanghang Prosthetic Masks, Obra ng Pinoy sa Gitna ng Pandemya

Sa panahon ngayong may COVID-19, patuloy pa rin ang bawat isa sa pagsuot ng mask para makaiwas sa virus na ito na siyang patuloy pa ring lumalaganap. Marami na ang naapektuhan sa buong mundo at ang bilang ng mga nagkaroon nito ay kasalukuyan pa ring lumolobo.

Tunay ngang kilala ang mga Pilipino sa pagiging malikhain kahit pa sa gitna ng mga dinadanas nitong paghihirap. Mapabagyo, lindol o anumang kalamidad ay hindi nga ito maikakaila. Napatunayan na ito sa mga nagdaang mga panahon at ito ay patuloy paring naipapamalas ng ating mga kababayan. Si Rene Abelardo, edad singkwenta (50) ay tubong San Pedro, Laguna. Isa siyang patunay kung gaano kamalikhain ang mga Pinoy sa gitna ng pandemya.

Credit: Philippine Star / Russell Palma

Ang Pilipinas ay isa sa mga lubos na naapektuhan ng nasabing sakit, na naging dahilan kung bakit ito naitalang nangunguna sa pinakamaraming kaso sa buong Southeast Asia. Isa ring dahilan kung bakit ang bawat isa ay todo gawa ng paraan para makaiwas at hindi mahawa.

Itong si Tatay Rene Abelardo ay nakaisip ng kakatwa ngunit malikhaing ideya—iyon ay ang paggawa ng nakakatakot na prosthetic mask. Sumakto upang maging dahilan para mapa-double take ang mga tao at sila ay magsilayuan o kaya’y dumistansya. Kakaiba at nakakatakot man sa paningin ng marami, ang kanyang mga obra ay nakakatulong sa social distancing.

Credit: Facebook Page / Hand Crafted Character Mask

Nung una ay gumawa lamang siya ng kanyang pansariling mask. Kinunan siya ng litrato ng kanyang anak dahil nga ito’y talagang nakakawiling pagmasdan. Naisip ni Marianne, anak niyang babae, na i-post ang kanyang larawan sa Facebook at hindi nila inasahang magva-viral ito.

Credit: Facebook Page / Hand Crafted Character Mask

Nagulat ang maraming netizens, namangha at napukaw ang atensyon dahil sa nakitang kakaibang pagdi-desenyo ng mask. Umani din ng maraming likes at komento ang mask ng ating “Pambansang Kamao.”

Credit: Philippine Star / Russell Palma

Naging daan ito upang gawin na lamang business ng mag-anak para mapagkakitaan lalo pa sa panahon ngayon kung saan ang lahat ay nagsusuot na ng face mask. Akalain ninyong maraming nahumaling sa kanilang mga obra. Lahat ng mga nagawang prosthetic mask ay ipinagbibili nila online. Ang kagandahan pa nito na ang produktong kanilang ipinagbibili ay tunay na minano-mano. Instant bonding pa ng pamilya.

Credit: Philippine Star / Russell Palma

Ayon kay Tatay Rene, matagal na siyang gumagawa ng prosthetics simula nung labing-pitong taong gulang pa lamang siya. Ang naging mentor niya ay isang art director na nagngangalang Maurice Carvajal. Siya din ay nagtrabaho sa ilan sa mga serye ng pantasya sa telebisyon tulad ng “Kampanerang Kuba” ni Anne Curtis, “Wansapanataym” at “Marina”.

Credit: Philippine Star / Russell Palma

Naisipan niya lamang daw na gumawa ng ganoong mask dahil na rin sa “new normal” na ipinatutupad sa buong bansa. Ayon sa kanya, bakit hindi ito gawin sa mas nakakabilib na paraan, at para na rin makabawas ng kaunting problema sa mga taong makakakita nito.

Credit: Facebook Page / Hand Crafted Character Mask

Ang mask ay nagkakahalaga ng tatlong daang piso (300 php). Sa ngayon ay marami nang na-hook sa kakaibang mask at dumadami pa ang tumatangkilik sa kanila. Kung kaya naman nagtratrabaho sila ng puspusan para mapunan ang demand ng mga nagnanais na magsuot nito. Ang kagandahan nito, ayon sa anak nyang si Marianne Abelardo, ay may mga bago pang disenyo na ilalabas ang kanilang pamilya. Maaari rin silang gumawa ng mga ‘customized masks’.

Credit: Facebook Page / Hand Crafted Character Mask

Masasabi natin na walang pinipiling panahon na hindi nagiging malikhain ang mga Pinoy at ito ay pinatunayan ni Tatay Rene Abelardo. Hindi makakaila na ang imahinasyon ay maaaring maghatid ng bagong pag-asa at mga oportunidad.

Credit: Facebook Page / Hand Crafted Character Mask

Hindi man maiwasan ang pandemyang ito at kahit hindi tayo ang may hawak ng mga maaaring mangyari ay patuloy pa din ang pagsisikap ng kapwa nating mga Pinoy. Sa huli, ang bawat isa pa din ang magbibigay ginhawa at pag-asa kahit pa sa mumunti lamang na likha kahit pa ito’y kakaiba at kakatwa.

Leave a Reply