Amang Ipinadyak Ang Pangarap Ng Anak, Magna Cum Laude Ang Natanggap

Ang buhay ng tao ay parang gulong, minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim. At syempre, ikaw ang gagawa ng kapalaran mo—sa mga palad mo nakasalalay ang iyong kahihinatnan. Pananampalataya, sipag at sakripisyo ay ilan lamang sa maraming katangian na dapat taglayin kung nais makarating sa ibabaw ng gulong ng buhay. Kung minsan nga’y dadaan ka muna sa lubak o bako-bakong daan bago mo makamtam ang iyong pinapangarap. Halimbawa na lamang ang isang pedicab driver na ito na nagawang pagtapusin ang anak sa pamamagitan ng araw-araw na pagpapadyak. Hindi lamang pawis at dugo kundi dedikasyon sa araw-araw ang puhunan ng pedicab driver na ito.

Credit: Facebook / Sandra Estefani Ramos

Kinilala sa pangalang Renato Ramos, tubong Bicol, ang pedicab driver na ito. Kilala nga si Mang Renato na masipag at matiyaga sa kanilang lugar. Dahil na rin sa kanyang araw-araw na pagbyahe gamit ang kanyang pedicab, naihatid niya ang kanyang anak na si Sandra Estefani Ramos sa tugagog ng tagumpay. Nag-aral at nakapagtapos si Sandra sa Bicol State College of Applied Science and Technology kung saan kinuha niya ang kursong Bachelor in Secondary Education at nakuha ang pinakamataas na parangal bilang Magna Cum Laude.

Credit: Facebook / Sandra Estefani Ramos

Matinding init ng araw man o ulan, lakas ng katawan sa pagpadyak at pagtitiyaga ay natulungan niya ang anak na maabot ang pangarap. Buong-buo din umano ang suporta ni Mang Renato sa anak na si Sandra para matapos ang pag-aaral nito. Mapagkumbaba namang pag-amin ni Sandra, “Until now I didn’t know how I was able to achieve this award. Even if I know that there are others students more intelligent than me, I still do my best. Even if I didn’t know how, I do know the people who are the reasons why I became Magna Cum Laude.”

Credit: Facebook / Sandra Estefani Ramos

Hindi nga ba sabi ng marami, kung malayo ang tanaw ay malayo ang mararating. Gayundin naman kung hindi ka marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa pupuntahan. Gaya ng mag-amang ito, malayo ang narating ng pangarap ni Mang Renato para sa anak. Kaya naman hindi lamang iginapang kundi ipinadyak niya ang minimithing diploma at edukasyon ni Sandra.

Credit: Facebook / Sandra Estefani Ramos

At bilang anak na tumanaw ng utang na loob sa magulang na hindi siya pinabayaan, iniuwi ni Sandra ang kanyang diploma ng may karangalan at buong pagmamalaki sa amang hinatid siya sa inaasam at pinagpagurang pangarap. Isang pangyayaring dapat na hangaan at gayahin ng henerasyon ngayon, na magbigay ng karangalan sa mga magulang na nagtitiis at nag-sasakripisyo upang masiguro ang maliwanag na kinabukasan ng mga anak.

Leave a Reply