₱25 Na Arawang Kita Ng Isang Nanay Sa Paggawa Ng 500 Piraso Ng Barbecue Stick, Natulungan

Sa isang Facebook post nakilala si Nanay Cornelia dahil sa kanyang katatagan at pagkakaroon ng matinding pagmamahal sa kanyang anak na may problema sa pag-iisip at apo na nasa murang edad pa lamang. Mag-isa niyang binubuhay ang kaniyang pamilya sa kanilang probinsya at ang tanging kinukuhaan lang niya ng pera para suportahan ang kanilang pamilya ay ang paggawa ng stick ng barbecue.

Credit: Facebook / Marilou Mendoza Labanes

Base sa nagpost, naninirahan sina Nanay Cornelia sa Misamis Oriental kasama ang kanyang anak at apo. Si Nanay Cornelia ay 63 years old. Sa kabila ng sitwasyon ng kanyang anak ay may taong nanamantala pa rin sa kahinaan nito at kalauna’y nagbunga. Ang anak niyang may problema sa pag-iisip ay nagdalantang-tao. Dalawa na ngayon ang sinusuportahan ni Nanay Cornelia sa pang-araw araw—ang kanyang batang apo at anak. Siya lamang ang tanging kumikilos sa gawaing bahay at naghahanap-buhay para sa kanilang tatlo.

Credit: Facebook / Marilou Mendoza Labanes

Sa edad ni Nanay Cornelia ay hindi maipagkakaila na isa itong pagsubok na kailangan niyang malagpasan sa araw-araw lalo na ang paghahanap-buhay. Ang tanging alam niya ay ang paggawa barbecue stick. Ang rate ng kita sa paggawa ng barbecue stick ay limang (5) piso lamang kada isandaang (100) piraso na stick.

Nakakagawa si Nanay Cornelia ng limandaang (500) piraso nito sa buong maghapon na katumbas lang ng bente-singko (25) pesos kung susumahin. Sa liit ng halaga nito, hindi kailanman magiging sapat ang kinikita niya sa araw-araw upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang anak at apo, partikular na ang gatas na kinakailangan nito.

Credit: Facebook / Marilou Mendoza Labanes

Sa interview kay Nanay Cornelia, mabuti na lamang daw at mayroong nagbibigay sa kanila ng dalawang (2) kilo ng bigas na inihahain niya kasama ang asukal bilang ulam nila sa hapag. Sa araw-araw na ganitong buhay, umabot na sa puntong naisip daw ni Nanay Cornelia na mawala na sila sa mundo dahil mas magiging komportable pa daw sila na namamahinga sa puntod. Hindi niya maiwasang malungkot dahil sa kaniyang edad, hindi na niya malaman kung pano pa bubuhayin ang kaniyang pamilya habang lumilipas ang panahon.

Credit: Facebook / Marilou Mendoza Labanes

Matapos kumalat sa Facebook ang post ng kaniyang kapitbahay na si Marilou Mendoza Labanes, marami ang lumambot ang puso at nagnais tumulong kay Nanay. Nagsilbi namang donation drive ang nasabing kapitbahay gamit ang kaniyang GCash account at tumanggap sila ng donasyon na kalaunan ay nakarating din kay Nanay Cornelia.

Credit: Facebook / Marilou Mendoza Labanes

Ang social media din ang naging tulay para makarating ang kanilang sitwasyon sa gobyerno. May mga taong personal na iniaabot ang kanilang tulong kabilang na rin dito ang CSWDO. Nadagdagan pa ito ng mapabilang din sila sa Food Assistance program ng Brgy. Bal-ason kung saan binibigyan sila ng supply ng pagkain para sa dalawang buwan. Bukod pa dito, nakakatanggap na rin sila Nanay Cornelia ng social pension at SAP mula sa gobyerno.

Sa ngayon, hindi raw napapabayaan ang kalagayan ng mag-iina dahil sa mga suportang nabanggit. Isang patunay na minsan ang isang maliit na paraan para tumulong ay maaaring magbunga at maging binhi pa sa iba.

1 Comment

Leave a Reply