Batang Pulubi At Maninisid Ng Barya Sa Pier Noon, Isa Ng Guro At Master’s Degree Holder Ngayon

“Ang dating maninisid ng barya sa pier noon, Master’s degree graduate na ngayon.” Nag-trending ang larawan ng isang guro sa social media kung saan ibinahagi niya ang kanyang graduation picture. Isa na siguro sa pinakamalaking parangal na matatanggap natin bilang isang indibidwal ay ang mahawakan ang ating diploma sa kabila ng mga tanikala ng kahirapan na siyang humihila sa atin pababa.

Credit: Facebook / Arlene Eje Alex

Patunay na nga rito ang buhay ni Arlene Eje Alex na agad namulat sa reyalidad. Sa musmos na gulang ay nailahad na agad sa kanya ng mundo ang pagbabanat ng buto. “Ako po ay half-Badjao half-Tagalog. Mula pagkabata ko po, hindi po ako pinapayagan ng tatay ko na manlimos, manisid ng barya. Dumating lang po sa point na kailangan ko po siyang gawin para po makatulong ako sa pamilya ko. Lalo po nang magkasakit yung tatay ko, hanggang sa mamatay po siya nung ako po ay 12 years old.”

Credit: Facebook / Arlene Eje Alex

Naranasan niyang maging pulubi para makatulong sa kanyang mga magulang. Dagdag pa rito ay naranasan niyang maging batang pier kung saan naghahagis ang mga pasahero ng mga barya na kanila namang kinukuha at sinisisid. “Eight years old po nag-start na akong manisid sa pier para lang po maka-survive sa araw-araw at may panustos sa pag-aaral. Hindi ko naman po pinagsisihan kasi natuto po ako sa buhay na hindi ganoon kadali ang kumayod sa araw-araw sa murang kaisipan. Kailangan mong mabuhay, pero kailangan mong paghirapan.”

Credit: Facebook / Arlene Eje Alex

Tunay ngang nakaka-inspire si Alex kahit pa ganoon ang kanyang sitwasyon ay hindi siya nagpaanod sa mga alon na kinahaharap niya sa kanyang buhay. Aniya, “Hindi pupuwede na hanggang dito na lang ako. Babalik na naman ako sa lansangan. Parang ang hirap mabuhay na nakadepende ako sa tao. Kaya kailangan kong mag-aral kahit hindi na ako makauwi, basta makatapos ako.”

Credit: Facebook / Arlene Eje Alex

Mas lalo siyang pinagtibay ng lahat ng mga ito at nagbigay sa kanya ng determinasyon kung kaya’t siya ay nanindidigan sa kanyang sarili na matutupad ang kanyang mga pangarap kahit ano pa ang mangyari. Hindi nga siya nagkamali, ang katas ng kanyang pagpupunyagi ay nagbunga na nga. Nakapagtapos siya bilang guro at isa na ring Master’s Degree holder. Sa edad niya na 22 ay hindi naging imposible ang pagkamit nya sa mga natatanggap nya sa kasalukuyan. Sa ngayon ay nagtuturo siya sa mga Badjao na kabataan at tinuturuan din niya ang mga bata sa IPED.

Tunay ngang hindi matatawaran ang dedikasyon niya sa mga paghihirap na natamo niya. Patunay lamang ito ng isang matandang kasabihan na “kapag may tiyaga may nilaga.”
Pinarangalan si Arlene dahil sa natatanging dedikasyon niya sa paglilingkod sa kanyang mga kababayan ng Rotary Club Batangas.

Credit: Facebook / Rotary Club Batangas

“Piliin mong magpatuloy kahit pakiramdam mo ay hindi mo na kaya, makikita mo ang tamis ng paghihirap sa tamang kapanahunan.” Ito ang naging payo ni Arlene mula sa kanyang post sa social media. Sapat na mga salita na tiyak na magmumulat sa mga kabataang mas lalong magaumikap sa hamon ng buhay. Tila ba hinahamon tayo ni Arlene na kung hindi mo nais ang kalagayan mo ngayon, simulan mo nang kumilos para ikaw ay tuluyang nang makaahon. At ito nga, hindi lang mga salita mula sa isang guro, kung hindi mula sa taong hindi sumuko hanggang maabot ang ninais niya sa buhay.

1 Comment

Leave a Reply