Mag-Aamang Naligaw At Inabot Ng Gutom Sa Kalsada, Tinulungan Ng Security Guard Makauwi

Tunay ngang ang maliit na bagay sa atin ay maaring malaking bagay para sa iba. Hindi rin natin maikakaila na sa bawat taong nahihirapan, may mga tao pa ring bukas ang palad na magbibigay ng tulong kahit hindi nila lubos na kilala.

Credit: Facebook / Racel Diola Melargo

Si Racel Diola Melargo, isang security guard, ang hindi nangiming tumulong sa mag-amang naligaw dahil sa namali ang nasakyan na bus ng mga ito. Ang mag-aama ay nakatakdang makarating dapat sa Lemery, Batangas ngunit sila ay napadpad sa San Pablo, Laguna. Napag-alaman ni Racel na ilang araw nang naglalakad ang mga ito dahil wala na silang pamasahe para sumakay pa. Pagod ang mga ito at kumakalam ang sikmura ng makita at makausap ito ni Racel.

Credit: Facebook / Racel Diola Melargo

Talaga nga namang nakakaawa silang tignan, lalo na ang mga batang kasama ng kanilang ama. Sa gutom at uhaw nila sa ilang araw na paglalakad ay nakikiinom na lamang sila. Minsan ay nakakakain din kapag nadaan sa pakiusap ang mga karinderyang nadadaanan nila. Ngunit hindi pa rin ito sumasapat dahil hindi naman sila laging nakakakita ng mga karinderya sa daan para mahingan ng tulong at pagkain para sa kumakalam nilang sikmura.

Credit: Facebook / Racel Diola Melargo

Ang masaklap pa dito, ang dahilan pa ng pag uwi pala ng mag-ama sa Lemery ay dahil namatay na ang ina ng mga bata. Naantig ang damdamin ni Racel at hindi napigilang maluha sa sinapit ng mag-aama. Kung tutuusin, lubos-lubos nga ang kanilang hirap na dinadanas, hindi lamang pisikal kung hindi pati emosyunal, isama pa ang mental na posisyon ng mag-anak patungkol sa mga pangyayari.

Credit: Facebook / Racel Diola Melargo

Bilang isang kapwa Pilipino at butihing security guard, hindi lamang pinakain at pinainom ni Racel ang mag-aama kundi binigyan niya na din ng pamasahe ang mga ito. Lubos na pinagpasalamat ng mag-aama ang kabutihang loob ni Racel dahil sa pamamagitan nito ay kahit sa huling sandali ay maari niyang masilayan ang kanyang asawa at ina ng kanyang mga anak.

Credit: Facebook / Racel Diola Melargo

Nagpost si Racel, matapos ng engkwentro niya sa mga ito hindi dahil para magmukhang mabuti sa marami bagkus makahingi pa ng tulong sa iba pang mga kagaya niya na maaaring tumulong sa mag-aamang ito. May isang netizen na nagkomento sa kabuting ginawa ni Racel sa mag-aama, “Sana maging example ka sa karamihan at pagpalain ka ng Maykapal dahil napakabuti ng kalooban mo. Saludo ako sa iyo. God bless!”

Credit: Facebook / Racel Diola Melargo

Tunay nga na ang mga Pinoy, kahit hindi mulat sa marangyang pamumuhay ay talaga namang hindi matatawaran ang pagtulong sa kapwa. Kasi sino nga naman ba ang magtutulungan, kung hindi tayo-tayo lang din naman. Saludo kami sa ginawa mo, Sir Racel!

Leave a Reply